
LUNGSOD NG MAKATI, 13 Mayo 2025 — Pinasalamatan ng Department of Education (DepEd) ngayong Martes ang tapang, dedikasyon, at malasakit ng mga guro at kawani ng pampublikong paaralan na nagsilbi ngayong 2025 National and Local Elections (NLE).
Mahigit 660,000 personnel mula sa DepEd ang bahagi ng kabuuang 758,549 poll workers na na-deploy sa iba’t ibang panig ng bansa. Kasama sila sa nagsigurong naging maayos, ligtas, at makatarungan ang proseso ng halalan sa libu-libong presinto.
“Salamat po sa lahat ng guro, poll workers, at school staff na tumulong at nagbantay sa halalan. Mula umpisa hanggang matapos, and’yan kayo—hindi bumitaw,” ani Education Secretary Sonny Angara.
“Saludo po kami. Dahil sa inyo, naging maayos at safe ang proseso. Kayo ang tunay na ka-team sa Bagong Pilipinas—laging handa, laging para sa bayan.”
Nagbukas ang DepEd Election Task Force (ETF) ng 24/7 command center sa Makati City mula Mayo 11 hanggang 13, para tumanggap ng real-time reports at magbigay ng tulong sa mga personnel sa field. Umabot sa 603 election-related incidents ang natanggap ng ETF sa mga panahong iyon.
Karamihan ng mga concern ay naresolba agad sa tulong ng regional at division ETF teams. Ang iba naman ay agad inendorso sa COMELEC para sa karampatang aksyon.
Pinakamaraming report ang nagmula sa Region IX, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), at National Capital Region (NCR). Kabilang sa mga karaniwang isyu ay ang vote counting machine (VCM) glitches, irregularidad sa ballots at resibo, at mga problema sa voter lists.
Sa kabila ng mga insidenteng ito, sinabi ng DepEd na nanatiling mapayapa ang halalan, kasabay ng pahayag ng COMELEC at iba pang ahensya ng gobyerno.
“In line with the assessment of the COMELEC and other agencies, we can say that overall, the elections were conducted smoothly,” pahayag ni Undersecretary Malcolm Garma, Chair ng DepEd ETF.
Binigyang-diin ng DepEd ang mahalagang papel ng mga guro sa pagpapatatag ng demokrasya at muling tiniyak ang suporta nito sa kanila sa bawat yugto ng proseso.
“These are not just public servants,” ani Sec. Angara. “They are frontliners of democracy.”
END